
MANILA — Itinanghal na Miss World Philippines 2026 si Asia Rose Simpson ng Quezon City matapos ang engrandeng coronation night na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay City noong Martes, Pebrero 3.
Namukod-tangi si Simpson sa Question and Answer portion matapos niyang talakayin ang epekto ng social media sa lipunan, partikular ang lumalalang usapin sa mental health ng kabataan. Ibinahagi rin niya ang kanyang adbokasiya sa pamamagitan ng SED initiative, na nagtataguyod ng sports at sayaw upang mapangalagaan ang pisikal, mental, at emosyonal na kalusugan ng mga kabataan.
Ayon kay Simpson, bagama’t may naidudulot na mabuti ang social media sa pagpapalaganap ng mga adbokasiya at negosyo, mahalaga pa ring gamitin ito nang responsable at hindi ito gawing kapalit ng pagkamalikhain at tunay na ugnayan ng mga tao.
Tinanghal namang First Princess si Anne De Mesa ng Maynila, habang Second Princess si Gabrielle Fuentes Galapia ng Pampanga.
Iginawad ang Best in Evening Gown kay Marizza Delgado mula sa Filipino Community of New York. Samantala, kapwa nagwagi ng Best in Swimsuit sina Asia Rose Simpson at Valerie West ng Ifugao.
Naging emosyonal din ang coronation night sa pagpasa ng korona at farewell walk ni Miss World Asia 2025 Krishnah Gravidez, na pormal na nagtapos sa kanyang reign.





