Sa isang online press conference noong Sabado, sinabi ni Duterte na kung siya ay papatayin, iniutos niya na patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez. Idinagdag niya na ang utos na ito ay “hindi biro.”
Ayon kay House Deputy Majority Leader at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V, ang pahayag ni Duterte ay “mapanganib” at “hindi normal.”
“Hindi normal ang ganitong klase ng pahayag mula sa isang mataas na opisyal ng gobyerno. Dapat nating tanungin, nasa tamang pag-iisip pa ba si Vice President Duterte? These words are dangerous, reckless, and deeply concerning,” ani Ortega sa isang pahayag.
Dagdag pa niya, dapat pag-isipan ni Duterte ang kanyang mga sinasabi na maaaring magdulot ng takot, at kung hindi niya makontrol ang emosyon, dapat siyang magpatingin sa eksperto.
“Ang ganitong klaseng salita ay hindi nakakatulong sa bayan. Sa halip na magkaisa, nagdudulot ito ng takot at pagkakawatak-watak,” dagdag ni Ortega.
Nanawagan din siya sa mga ahensya ng pagpapatupad ng batas na imbestigahan ang pahayag ni Duterte bilang bahagi ng kanilang tungkulin na tiyakin ang seguridad ng mga pinuno ng bansa.
Binaling ang Isyu ng Confidential Funds
Samantala, tinawag ni House Assistant Majority Leader at Zambales 1st District Rep. Jefferson Khonghun ang mga pahayag ni Duterte bilang isang “deliberate diversion” mula sa alegasyon ng maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds.
“Huwag po tayong magpabudol. Ang tunay na isyu rito ay ang P612.5 milyon na confidential funds na kailangang ipaliwanag ng Bise Presidente sa publiko,” ani Khonghun.
Sa parehong tono, sinabi ni Taguig City 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora na ang pagharap ni Duterte sa Blue Ribbon Committee ay isang oportunidad upang linawin ang usapin sa mga confidential funds.
“Kung seryoso siya sa pagiging lingkod-bayan, kailangan niyang humarap at magpaliwanag,” giit ni Zamora.
Nagbabala rin si Khonghun na manatiling nakatuon ang publiko at mga mambabatas sa isyu ng pondo ng bayan.
“Ang pondo ng bayan ay para sa taumbayan, hindi para sa personal na interes. The people deserve transparency and accountability, not theatrics,” pagtatapos niya.