Noong Linggo ng gabi, nakita si Robredo na personal na bumisita sa mga komunidad na binaha dahil sa malalakas na ulan dala ng bagyo. Lumusong siya sa baha upang makumusta ang kalagayan ng mga residente at tiyakin na natutugunan ang kanilang mga pangangailangan.
“Binaha ang mga barangay sa Naga City dahil sa malakas na pag-ulan na dala ng #EntengPH. Si Atty. Leni ay umiikot sa mga komunidad upang personal na kumustahin ang mga kapwa Nagueño,” ayon sa post sa Facebook ng dating bise presidente.
Kasama ng mga boluntaryo mula sa Naga, nag-organisa si Robredo ng mga relief operations upang makalikom at mamahagi ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, tubig, kumot, at damit para sa mga pamilyang naapektuhan ng baha. Ang mga larawan ng kanyang pagbisita sa mga barangay ay ibinahagi rin sa kanyang social media pages.
Nanawagan din si Robredo ng karagdagang boluntaryo upang mapabilis ang pagkilos at mas mabilis na matulungan ang mga nasa evacuation centers.
“Mabalos sa mga Nagueño volunteers. Nanawagan kami ng karagdagang boluntaryo para po mas mabilis pang matulungan ang mga evacuation centers at masirbisyuhan ang mga nangangailangan,” ani Robredo.