Sa kanyang Facebook account, ibinahagi ni Raymond Diamzon, FAP special projects officer, ang mga larawan ng direktor ng dokumentaryo na si Ramona Diaz na tumatanggap ng sertipiko bilang pormal na pagpili sa pelikula bilang opisyal na entry ng bansa sa 2025 Oscars.
“The Film Academy of the Philippines is pleased to proclaim [And So It Begins] by Ramona S. Diaz as the Philippines’ entry to the [97th Academy Awards]! Congratulations!” sulat ni Diamzon.
Ang pelikula ay tumatalakay sa “pink” grassroots movement na lumitaw sa panahon ng presidential bid ni dating Bise Presidente Leni Robredo noong 2022 national elections, kung saan nakaharap niya si Ferdinand Marcos Jr. na ngayon ay nakaupo bilang Pangulo ng Pilipinas. Tampok din sa dokumentaryo ang kuwento ni Maria Ressa, Nobel Peace Prize laureate at CEO ng Rappler, at ang laban para sa kalayaan ng pamamahayag sa gitna ng malawakang disinformation.
Ipinakita ang And So It Begins noong Agosto sa Cinemalaya Independent Film Festival at ilang piling sinehan sa bansa, at unang ipinakilala sa Sundance Film Festival noong Enero.